Itinakda na ng Department of Education (DepEd) sa Agosto 24 ang pagbubukas ng klase para sa school year 2020 – 2021.
Ayon kay Education Secretary Leoner Briones, ito ang napagpasiyahan nilang petsa matapos ang isinagawang konsultasyon sa mga stakeholders tulad ng mga magulang at estudyante.
Gayunman, sinabi ni Briones na hindi ito nangangahilugang kinakailangan ang pisikal na pagpasok sa paaralan ng mga estudyante.
Aniya, maaaring magsagawa ng virtual o online classes lalo na sa mga lugar na maisasailalim pa rin sa mahigpit na community quarantine.
Samantala, sisimulan naman ng mga guro ang paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 1 hanggang 30 na siya ring tinukoy bilang enrollment period.