Bilang hakbang sa unti-unting pagbabalik sa dating school calendar, inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng klase sa Hulyo 29 para sa school year 2024-2025.
Nakipagpulong si Pangulong Marcos kay Vice President Sara Duterte sa Malacañang para pag-usapan ang mga hakbang upang maibalik ang school year mula Hunyo hanggang Marso, gaya ng nakasanayan ng karamihan bago mangyari ang pandemya.
Ang unang option na iprinisenta sa pangulo ay ang pagkakaroon ng tinatayang 180 school days at 15 in-person Saturday classes.
Ang ikalawa naman ay ang pagkakaroon ng tinatayang 165 school days, ngunit walang Saturday class.
Ngunit para kay Pangulong Marcos, napakaikli ng 165-day school calendar dahil posibleng makompromiso nito ang pag-aaral ng mga estudyante.
Ayaw rin niyang papasukin sila ng Sabado dahil aniya, malalagay sa alanganin ang kanilang kapakanan. Mas magastos din ito para sa mga magulang.
Dahil dito, iminungkahi ng pangulo na sa halip na piliting magtapos sa March 31, 2025 ang klase, dapat i-adjust ng Department of Education (DepEd) ang school year sa April 15 upang makumpleto ang tinatayang 180 days nang hindi na kailangang pumasok ng Sabado.
Sa ganitong paraan, babalik na sa Hunyo ang pasukan at magtatapos sa Marso pagsapit ng school year 2025-2026.