Handang handa na ang Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa ilalim ng distance learning simula Lunes, Oktubre 5.
Isang virtual flag raising ang isasagawa bukas ng umaga sa pangunguna ni Education Sec. Leonor Briones at inaasahang magbibigay din ng kaniyang video message si Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, sinabi sa DWIZ ni Education Usec. Diosdado San Antonio na isa sa mgaproblemang posible nilang makita ay ang mga estudyante na ngayon pa lamang kukuha ng kanilang learning modules.
Ang nakikita natin baka may mga estudyante pang hindi nakakakuha nung kanilang self learning material kasi hindi kinuha ng magulang o hindi pa nade-deliver kaya ang nakikita natin bukas baka may ilan-ilan pa na kukuha pa lang o magkakaroon pa lamang ng learning resources,” ani San Antonio.
Kasunod nito, sinabi ni San Antonio na 20% lamang ng mga mag-aaral ang gagamit ng online learning at tiniyak na hindi magiging sagabal ang mahina o kakulangan sa internet connection para mabalam ang kanilang pag-aaral.
Ang isang maliwanag din sa lahat kapag hindi okay yung signal may option pa din yung bata na tuloy-tuloy sa pag-aaral kasi yung learning resources kapag na-download na nila yung digital format pwede na nila aralin sa bahay na walang signal so, hindi dapat maging basehan ng pangangamba na mapupurnada ang pagpapatuto sa mga bata kung walang internet,” ani San Antonio. — panayam mula sa Todong Nationwide Talakayan.