PINANGUNAHAN ni Mayor Vico Sotto ang pagbubukas ng Ortigas Market sa Emerald Avenue, Barangay San Antonio sa lungsod ng Pasig.
Sinabi ng alkalde na nakipag-partner sila sa pribadong sektor upang hindi masayang ang mga ‘open space’ sa siyudad na maaari namang mapakinabangan ng mga residente.
Ayon naman kay Ed Dames, chairman at CEO ng DTC Promos Inc., inilunsad ang bazaar para tulungan ang komunidad at mga negosyante na makarekober mula sa pandemya.
Aniya, habang patuloy na tinutugunan ng national government ang epekto ng Covid-19 ay naisipan ng kanilang kompanya na mag-initiate ng community building project katuwang ang pamahalaang lokal ng Pasig, Barangay San Antonio at Ortigas Center Association Inc. (OCAI).
Sinabi ni Dames na dahil sa alyansa ng private sector at LGU ay nagkakaroon ng venue o pagkakataon ang mga local producers para maibenta ang kanilang mga produkto sa mga residente ng Ortigas Center at iba pang mga kalapit na lugar.
Kabilang naman sa mga sponsors ng Ortigas Market ang ALC Media group na pinangungunahan ng DWIZ 882, IZTV, Home Radio, kasama ang Business Mirror, Cook Magazine, Health & Fitness, Pilipino Mirror, Mayani at Seven Sharp.
Ang Ortigas Market ay bukas sa publiko tuwing Sabado.