Mas lumalawak ang pagbubukas ng pinto para tumakbong Presidente si Davao City Mayor Rudy Duterte.
Sinabi ito ni dating North Cotabato Governor Manny Piñol, isa sa mga supporters ni Duterte kasunod ng pormal na pag-endorso ng Pangulong Noynoy Aquino kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas bilang Presidential candidate ng Liberal Party ngayong araw na ito.
Ayon kay Piñol, malabong manalo si Roxas kay Vice President Jejomar Binay at tanging si Duterte lamang ang puwedeng makapigil sa Binay presidency sa 2016.
Maaari aniyang walang problema si Roxas sa makinarya at pera pero wala itong konek sa masa na taglay naman nina Binay at Duterte.
“The only guy who could stop Binay from becoming the President is no other than Rudy Duterte, I’m sorry to say this but mag-ikot kayo sa buong bansa, itanong niyo sa mga political leaders, itanong niyo sa mga ordinaryong tao, kung meron bang pag-asa si Mar Roxas na manalong Presidente, ang problema niya ay ang ugali niya.” Ani Piñol.
Magkakaalaman na kung tatakbo sa Presidential election si Duterte hanggang sa buwan ng Setyembre.
Ayon kay Piñol, ang magiging desisyon ni Duterte ay nakasalalay kung gaano ba katindi ang pangangailangan na tumakbo siya bilang Pangulo ng bansa.
Tinukoy ni Piñol ang lumalalang problema sa illegal drugs ng bansa at kahirapan.
“Reasons for him to believe that it becomes a moral obligation for him to run as a President, so why is it taking him so long?, well number one, because he’s not interested but I believe the unholding political events of the country right now, point who the need for somebody from the outside coming in and saying hey look guys, let’s do things right.” Paliwanag ni Piñol.
Suporta ni Manny Pacquiao
Kumbinsido si dating North Cotabato Governor Manny Piñol na nakay Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang puso ni Congressman Manny Pacquiao.
Reaksyon ito ni Piñol sa balita na kinukumbinsi ng Liberal Party si Pacquiao na suportahan ang kanilang kandidato sa 2016 elections.
Ayon kay Piñol, naniniwala si Pacquiao na ang ilang kontrobersyang pinagdaanan niya noon katulad ng paghahabol sa kanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay kagagawan ng administrasyon.
Samantala, kaya naman aniya nagpapakita ng suporta sa United Nationalist Alliance o UNA si Pacquiao ay dahil, ang partidong ito ang kumalinga sa kanya sa oras ng kanyang pangangailangan.
By Len Aguirre | Ratsada Balita