Iimbestigahan ng Senate Committee on Public Order ang mga naging pagbubunyag ni retired SPO3 Arthur Lascañas kaugnay sa Davao Death Squad.
Ito’y makaraang aprubahan ang mosyong inihain ni Senador Antonio Trillanes IV sa kanyang privilege speech kahapon.
Ayon kay Trillanes, itinuturing niyang big break ang mga pagsisiwalat ni Lascañas kung saan, idiniin nito si Pangulong Rodrigo Duterte na siyang utak umano ng DDS.
Sa panayam naman ng programang Karambola kay Senador Panfilo Lacson, Chariman ng komite, handa siyang tanggapin ang pag-iimbestiga sa usapin basta’t may referral siyang matatanggap mula kay Senador Richard Gordon na una nang duminig sa usapin.
“Ang request ko lang sa majority leader kung puwedeng maimpormahan lang o masabihan man lang si Senator Gordon kasi parang continuation ito ng ginawa niyang pagdinig kay Matobato dahil ang usapin doon DDS at EJK, eh nakagawa na siya ng committee report at nailabas na sa floor, so parang out of courtesy naman ito ba ay panghihimasukan ngayon ng ibang komite na parang kasama naman doon sa kanyang dininig noong nakaraan.” Ani Lacson
“Pabagu-bagong pahayag”
Bukas pa rin ang Senate Committee on Public Order na marinig ang panibagong pasabog ni retired SPO3 Arthur Lascañas.
Kaugnay ito sa naging pagbawi ni Lascañas sa nauna niyang pahayag sa Senado hinggil sa DDS o Davao Death Squad.
Gayunman, nagbabala si Lacson na dapat handa si Lascañas na maharap sa kasong perjury o pagsisinungaling dahil sa pabagu-bago nitong pahayag kung saan, ang isa rito ay under oath pa.
“Tignan natin kung paano niya i-explain kung bakit nagkaroon siya ng change of heart.”
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senator Panfilo Lacson
Maituturing kasi aniyang sampal sa mga senador na duminig sa isang usapin kung may pagbabago sa pahayag ng mga personalidad na minsan nang humarap sa pagdinig ng Senado.
“Alam mo sa amin kapag ang isang bill o resolusyon ay nagawan na ng committee report, reported out na sa floor, ibabalik mo sa komite para imbestigahan ng ibang komite parang sampal sa chairman yun eh, para bang di mo ginawa ang tungkulin mo.” Pahayag ni Lacson
By Jaymark Dagala | Karambola (Interview)