Ipinauubaya na ng Malakanyang sa kongreso ang usapin sa muling pagbuhay sa parusang kamatayan sa Pilipinas.
Ito ay matapos na muling magpahayag ng suporta sa panukala ang ilang mga mambabatas kasunod ng insidente ng brutal na pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui Tarlac.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, simula pa lamang ng maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, prayoridad na nito ang muling pagbuhay sa parusang bitay sa pamamagitan ng lethal injection.
Gayunman, nakasalalay pa rin aniya sa kamay ng mga mambabatas sa mababang kapulungan at senado ang pag-usad ng panukalang batas hinggil dito.
Kabilang sa mga nagsusulong ng muling pagbuhay sa parusang kamatayan sina Senador Ronald Dela Rosa at Bong Revilla Jr.
Taong 2006 nang ganap na buwagin ang capital punishment na kamatayan sa panahon ng panunungkulan ni noo’y president Gloria Macapagal Arroyo.