Tanging ang pagbuhay sa death penalty ang nakikitang konkretong solusyon ng isang mambabatas upang matuldukan na ang mga kaso ng pagpaslang sa mga inosente at mga mamamahayag gaya ni Percy Lapid.
Ayon kay Cong. Benny Abante Jr.Kung hindi kayang pigilan ng bilangguan ang paggawa ng krimen ng isang kriminal, tama lamang na buhayin na ang parusang kamatayan sa bansa.
Ginawa ni Cong. Abante, ang panawagan kasunod nang mga detalyeng lumabas sa salaysay ng suspek na si Joel Escorial na siyang bumaril at pumatay kay Percy Lapid.
Pahayag ng mambabatas, nakasaad sa kanyang iniakdang House Bill no. 4121 o mas kilala bilang death penalty law, na maaring mapatawan ng parusang kamatayan ang mapatutunayang sangkot sa mga kasong murder, treason, drug trafficking, at plunder.
Patunay lamang ani abante na hindi na sapat ang piitan upang pigilan ang mga kriminal sa paggawa ng panibagong krimen, matapos lumutang sa kaso ni lapid ang anggulong nagkaroon ng sabwatan sa loob ng bilangguan o “Jail conspiracy.”
Matatandaan aniya na base sa naging pag-amin ng gunman na si Escorial, na isang bilibid inmate na nagngangalang crisanto palana villamor ang nag utos sa kanya na patayin si Lapid. - sa ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)