Isinulong ni Bataan 1st District Representative Geraldine Roman ang pagbuhay sa Reserve Officers Training Corps o ROTC Program para sa mga Senior High School student.
Ito ang inihayag ni Roman makaraang gawaran ng ranggong Lieutenant Colonel sa kanyang pagpasok sa Philippine Army Reserve Force bilang kauna-unahang First Transgender Military Officer at Reservist ng AFP.
Ayon kay Roman, dapat ibalik ang mandatory ROTC program sa Grades 11 at 12 upang mapagsilbihan ng mga kabataan ang bayan.
Dapat aniyang payagan na makapasok sa military service ang sinumang makabayan anuman ang kasarian at sexual orientation o identification nito dahil wala namang pinipiling gender ang digmaan at kalamidad.
Kabilang ang ROTC program sa mandatory requirement ng mga lalaking college student para sa graduation pero ibinasura ito matapos ang pagkamatay ng isang estudyante ng University of Santo Tomas dahil sa hazing noong Marso 2001.
Samantala, pinasalamatan naman ng kongresista ang AFP sa pagpapahintulot ang isang katulad niyang miyembro ng Filipino Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender (LGBT) na maglingkod bilang military reservist.
Posted by: Robert Eugenio