Inalmahan ng bansang Malaysia ang naging komento ni Philippine Ambassador to Kuala Lumpur Charles Jose na nananatili pa rin ang pag-aangkin ng Pilipinas sa Sabah na kasalukuyang sakop ng Malaysia.
Lumabas sa mga ulat ng Malaysian media nitong araw ng Biyernes ang naging pahayag ni Jose matapos ang courtesy call nito kay Sabah Chief Minister Shafie Apdal Shafie.
Gayunman, binigyang diin ni Jose na hindi pa naman maisusulong ng Pilipinas ang nasabing usapin ngayon dahil nakatutok pa ang kanilang atensyon sa pagbibigay ng ayuda sa libu-libong undocumented workers sa nasabing teritoryo.
Batay naman sa inilabas na pahayag ng Malaysian foreign ministry kahapon, nanindigan ito sa kanilang posisyon na sa kanila ang Sabah at walang batayan ang alinmang bansa na aangkin dito.
Magugunitang nais bawiin ng sultanato ng Sulu ang Sabah mula sa Malaysia na nagbabayad umano sa kanila ng taunang renta sa teritoryong minsan nang naging pagmamay-ari ng Pilipinas.