Kinontra ng Public Attorneys Office o PAO ang pagbuo ng three-man panel ng mga Asian experts para alamin kung nag-ugat sa Dengvaxia ang pagkamatay ng ilang mga bata na naturukan ng naturang bakuna.
Ayon kay Atty. Persida Acosta, Hepe ng PAO, iginagalang nila ang desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na sundin ang mungkahing ito ni Health Secretary Francisco Duque.
Pero hindi aniya maaasahan ang PAO at ang mga magulang ng mga biktima na ibigay ang kanilang kooperasyon, lalo na ang pagpapagamit sa tissues at bangkay ng mga biktima na nauna nang sinuri ng kanilang pathologist.
“Si Secretary Duque pa rin po talaga ang pinakikinggan niya, itong findings ng ating mga Filipino experts at scientists na tumutulong sa PAO ay hindi pa rin maka-kumbinse sa kanya ay karapatan po niya ‘yun, na kumuha ng tatlong foreign na ‘yan pero sa korte po ang may personal knowledge sa cadaver, ‘yung mga bata mismo sa katawan kung anong nangyari ay ito pong mga doktor na Pilipino na nagsasakrapisyo.” Ani Acosta
Binigyang diin ni Acosta na sa ngayon ay hindi panibagong pag-aaral ang kailangan ng mga naturukan ng Dengvaxia.
Sinabi ni Acosta na mas kailangan ngayon ng mga naturukan ng Dengvaxia ang tulong medikal at pinansyal para sa pagpapagamot.
“Hindi po ako ang magpapasya niyan, ang mga magulang, hindi po akin ang tissues, bahagi ng katawan ng kanilang anak ‘yun eh, sila ang magdedesisyon diyan, ang sabi ng mga magulang, DOH ang nagturok, DOH ang namili niyan, DOH ang dahilan kung bakit nabakunahan ang anak namin, sila ang idenemanda namin, kaya bakit namin ibibigay ang ebidensya sa idinemanda namin, ako hindi ko kayang pilitin ang mga magulang, hindi kaya ng konsensya ko.” Dagdag ni Acosta
Filed cases
Samantala, nagsimula nang umusad ang mga kasong isinampa ng Public Attorneys Office laban sa mga nasa likod ng pagpapabakuna ng Dengvaxia sa mahigit 800,000 bata.
Ayon kay Atty. Persida Acosta, itinakda na ng Department of Justice o DOJ sa Mayo 15 ang paunang pagdinig sa kaso.
Tiniyak ni Acosta na mas marami pa silang kasong isasampa laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Health at ilan pang opisyal ng nakaraang administrasyon sa mga susunod na araw.
“Nakasampa na po sa korte ang limang civil cases, ‘yung anim nasa DOJ na at bukas may isasampa pa tayong criminal cases. Nakatanggap na po ng subpoena ang mga magulang, may hearing na po ang criminal cases for torture, for reckless imprudence resulting to homicide at obstruction of justice sa May 15.” Pahayag ni Acosta
(Ratsada Balita Interview)