Inirekomenda ng House Committee on Dangerous Drugs ang pagbuo ng bagong revenue collection agency na ipapalit sa BOC o Bureau of Customs.
Ito ang nakasaad sa report na ipinalabas ng nasabing komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte Representative Ace Barbers matapos ang kanilang isinagawang imbestigasyon kaugnay sa pagkakapuslit ng malaking halaga ng shabu sa bansa.
Binigyang diin sa naturang committee report ang pagbuo ng isang bagong revenue collecting agency para maiwasan ang korapsyon at mas mapataas pa ang revenue collection nito.
Isinasaad din sa report ang pagkakaroon ng bagong sistema ng ahensiya kung saan magkakaroon na lamang ng onetime payment para sa import at export fees, duties at taxes, storage, warehousing at iba pang bayarin.
Kabilang din sa kanilang inirekomenda ang pag-amyenda sa E2M Project ng ahensya at ang paglalagay ng mga cargo inspection equipment, X-Ray machines, CCTV cameras at body cameras sa mga agents at customs inspector.
Bukod dito, pinakakasuhan din ng komite sina dating customs Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang mga opisyal ng ahensya, broker na si Mark Taguba at businessman na si Kenneth Dong.