Naghayag ng kaniyang sentimiyento si Senador JV Ejercito kay PDP Laban at Senate President Aquilino “koko” Pimentel III.
Ito’y makaraang lumabas ang listahan ng Senatoriables ng partido kung saan, hindi kabilang duon ang mga re – eleksyunista o iyong mga tatakbong muli para sa 2019 mid-term elections.
Dahil dito, sinabi ni Ejercito na posibleng magsama-sama ang mga re-eleksyunistang Senador na tinawag niyang “The Force” sa pangangampaniya kung hindi sila ibibilang ng partido ng Pangulo.
Inihayag din ni Ejercito na nagkausap sila ni Davao City Mayor at Presidential Daughter Sarah Duterte – Carpio sa posibleng pagbuo ng coalition ticket para sa mga gustong tumakbong muli sa puwesto.
Maliban kay Ejercito, kabilang din sa mga re-eleksyunista sina Senadora Cynthia Villar ng Nacionalista, Sonny Angara ng LDP, Nancy Binay ng UNA at Senadora Grace Poe.
Una nang ibinilang sa listahan naman ng PDP Laban sina Political Adviser Francis Tolentino, Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu, Bataan Rep. Geraldine Roman, Davao Rep. Karlo Nograles, Presidential Spokesman Harry Roque at Special Assistant to the President Bong Go.