Imumungkahi ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng isang Constitutional Commission na gagawa ng draft ng bagong konstitusyon.
Ito ang nakikitang solusyon ni Alvarez sa credibility issue o kawalang tiwala ng taongbayan sa Constituent Assembly na binubuo ng mga mambabatas.
Ayon kay Alvarez, puwedeng mag-appoint ng 20 kataong komisyon ang Pangulo na binubuo ng mga kilalang constitutional experts tulad nina dating Supreme Court Chief Justice Renato Puno, dating senador Nene Pimentel, Dean Ranhilio Aquino, Ruben Canoy at iba pa.
Ang mabubuo anyang draft ng komisyon ang syang isusumite nila sa Constituent Assembly upang pagdebatehan kung dapat dagdagan o kung may dapat tanggalin bago isalang sa referendum upang aprubahan ng taongbayan.
Bahagi ng pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez
Partylist system
Ipinauubaya ng House of Representatives sa taongbayan ang panukala ng Pangulong Rodrigo Duterte na i-abolish na ang partylist system.
Ipinahiwatig ni House Speaker Pantaleon Alvarez na handa nilang tugunan ang nais ng Pangulo na tanggalin sa bagong konstitusyon ang partylist system.
Sa huli ay taongbayan pa rin anya ang magdedesisyon kung nais nilang tanggalin ang partylist system dahil isasalang naman ang bagong konstitusyon sa referendum.
Apatnapu’t anim (46) na partylist groups ang nanalo nitong 2016 elections na ngayon ay umuokupa ng 59 na upuan sa Kongreso.
Una nang sinabi ng Pangulong Duterte na dapat nang tanggalin ang partylist dahil naabuso ito at bigo naman ang layunin nito na magkaroon ng kinatawan ang marginalized sectors sa Kongreso.
By Len Aguirre | Karambola