Magsisilbing inspirasyon para sa pamahalaan, ang pagbuti ng rating ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino sa pinakahuling Pulse Asia survey.
Sinabi ni Presidential Communications Sec. Sonny Coloma na kakaiba ang resulta ng naturang survey dahil sa halip na tuluyang bumulusok katulad ng sa nagdaang administrasyon ay bigla pa itong bumawi.
“Mahalaga dahil kung ihambing doon sa mga nakaraang administrasyon naiiba poi tong ganitong klaseng pagturing sa isang administrasyon, ito naman ay nagsisilbing inspirasyon para sa aming nagtatrabaho sa pamahalaan na pag-ibayuhin pa ang pagpupunyagi na gawin ang lahat ng puwede pang maiambag sa pag-unlad ng ating bansa sa nalalabing 9 na buwan.” Pahayag ni Coloma.
Ipinaubaya na din ni Coloma sa publiko, ang paghusga kung maisasalin sa pamamagitan ng boto para kay Liberal standard bearer Mar Roxas, ang positibong pananaw ng publiko, sa Daang Matuwid.
“Magpasya na lang ang ating mga mamamayan at sila na din ang magsabi kung ang boto nila para kay Pangulong Aquino ay boto ng kumpiyansa para sa kinabukasan, sa pananaw ng ating Pangulo, darating na eleksyon ay referendum sa Daang Matuwid.” Dagdag ni Coloma.
By Katrina Valle | Kasangga Mo Ang Langit