Hinamon ng Teachers’ Dignity Coalition o TDC ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na tutukan ang pagbuwag sa mga smugglers at malalaking sindikato ng illegal drugs kung nais nilang manalo sa kanilang giyera kontra droga.
Ayon kay Benjo Basas, Pangulo ng TDC, hindi naman makakatulong sa kampanya kontra droga ang plano ng PDEA na isalang sa drug test ang mga batang may edad sampu pataas.
Bukod dito, iginiit ni Basas na labag sa RA 9165 ang pag-drug test sa mga bata dahil ang sakop lamang ng batas ay ang mga nasa sekondarya at kolehiyo.
“Hindi ito mahuhuli, conveniently hindi ito mahuhuli dahil lang sa pagkuha ng statistical data kung gaano karami ang mga bata, at kung sino-sino ang mga batang ito na involved sa droga, maliban pa diyan of course babalik tayo doon sa ligalidad kung hindi naman talaga puwedeng i-drug test ang mga batang sampung taong gulang o ‘yung mga nasa elementaryeh paano natin gagamitin itong panukalang ito?” Ani Basas
Kasabay nito, sinabi ni Basas na bukas ang mga guro na tulong para i-educate ang mamamayan lalo na ang mga bata hinggil sa epekto ng illegal drugs.
“’Yan ang panawagan namin sa PDEA at PNP, willing po kami, ang ating mga teachers na tumulong sa pag-educate sa taongbayan at sa mga bata, kahit konting oras lang naman po talaga na nakakapiling natin ang mga bata, mas malaking panahon na nasa kani-kanilang pamilya ang mga bata natin, sa mga barkada, sa komunidad lalo na ngayong may internet na, pero kung ano man po ang aming maitutulong at magagawa para tulungan ang ating pamahalaan sa laban kontra droga ay gagawin po namin ‘yan.” Pahayag ni Basas
(Ratsada Balita Interview)