Kinontra ng ilang party-list groups ang panukala ni Budget Secretary Benjamin Diokno na buwagin na ang PCGG o Presidential Commission on Good Government.
Naniniwala ang mga party-list groups na hindi pa nakukumpleto ng PCGG ang trabaho nitong pag-rekober sa mga anila’y nakaw na yaman ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay ACT Party-list Representative Antonio Tinio, haharangin nila ang panukala ni Diokno dahil malaki pa ang kailangang habulin ng PCGG sa mga nakaw na yaman ng Marcoses at Cronies ng mga ito.
Ang nasabing hakbang aniya ay consistent sa mga PET agenda ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang maka-Marcos, na ibalik ang pamilya Marcos sa gobyerno.
Sinabi naman ni Bayan Muna Party-list Representative Carlos Zarate na dapat alalahanin ng gobyerno ang dahilan kaya’t itinatag ang PCGG.
Hindi aniya dapat mag-dahilan para buwagin ang PCGG upang palusutin at kalimutan na lamang ang nakaw na yaman ng Marcoses.
Dahil dito, hinimok ni Zarate ang publiko na bantayan ang mga kilos ng gobyerno para hindi malagay sa alanganin ang interes ng sambayanang Pilipino.
- Judith Estarada – Larino