Pinabubuwag ni Senador Imee Marcos ang Procurement Service (PS) ng DBM at Philippine International Trading Corporation (PITC) matapos aniyang maging fertile breeding ground sa katiwalian at umabuso sa kanilang mandato.
Kasunod na rin ito nang paghahain ni Marcos ng mga panukalang batas para sa abolisyon ng mga nasabing tanggapan na aniya’y pinamumugaran lang ng katiwalian, sa gitna nang pagbusisi ng senado sa pagbili ng umano’y overpriced face mask at PPE ng PS DBM at PITC.
Sa Senate Bill 2388, ipinabubuwag ni Marcos ang PS DBM na nilikha nung panahon ng kanyang amang si dating pangulong Ferdinand Marcos para bumili ng karaniwang office supplies tulad ng bond paper at printer na ibebenta naman sa government agencies.
Nakasaad naman sa Senate Bill number 2389 ang pagbuwag sa PITC na itinatag din nuong Marcos administration para mangasiwa sa pakikipagkalakalan sa mga socialist at centrally planned economy countries.
Subalit binigyang diin ni Marcos na ang PS DBM at PITC ay nagsilbi nang lipatan ng pondo ng ibat ibang ahensya para magpabili ng kagamitan o kaya ay taguan ng pondo ng ibat ibang ahensya ng gobyerno para huwang maibalik sa national treasury. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)