Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang inamiyendahang panukala na naglalayong buwagin ang Road Board.
Ito ay matapos magpulong sina Senate Majority Leader Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at House Majority Leader Rolando Andaya kung saan napagpasyahan ng mga ito na tuluyang i-abolish ang kontrobersyal na ahensya at napagkasunduan na gawing maikli at simple lang ang mga ilalatag na amiyenda.
Kabilang sa nasabing amiyenda sa pagbuwag sa Road Board ay ang pag-alis sa ipinapanukalang pagpapalit ng pitong orihinal na miyembro nito ng tatlong tinaguriang ‘Powerful Road Board Kings’ na pamumunuan ng mga kalihim ng Department of Public Works and Highways, Department of Transportation at Department of Environment and Natural Resources.
Ilalagay na rin sa General Fund ang nakolektang P45 billion mula sa Motor Vehicles Users Charge (MVUC) o road users tax na nakapaloob sa 2019 budget.
Gagamitin ang halagang ito para sa repair, rehabilitation at reconstruction ng mga kalsada, tulay, drainage systems gayundin sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Dagdag pa rito ay isasama ang perang malilikom sa MVUC sa taunang General Appropriations Act.
Congress has approved on 2nd reading the abolition of Road board @dwiz882 pic.twitter.com/EqHcaiEWnY
— JILL RESONTOC – DWIZ -882 AM radio (@JILLRESONTOC) January 16, 2019