Idinepensa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang pagbiyahe at pag-uwi sa lungsod ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte noong weekend.
Ayon kay Duterte-Carpio, sa ilalim ng guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) maaaring bumiyahe at maglibot sa buong bansa ang Pangulo sa gitna ng nararanasang krisis dahil sa COVID-19 pandemic.
Iginiit ng Alkalde, maituturing na nasa pinaka-frontline ang Pangulo sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan.
Batay sa ipinalabas na guidelines ng IATF, pinapayagan ang paggalaw ng mga opisyal ng pamahalaan at iba pang government frontline personnel sa iba’t-ibang lugar sa bansa anuman ang umiiral na klase ng community quarantine.
Magugunitang, umuwi ng Davao City si Pangulong Duterte para i-monitor ang sitwasyon sa Mindanao at makasama na rin ang kanyang buong pamilya matapos ang mahigit dalawang buwan.