Ipinag-utos na ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa mga offshore gaming operators sa bansa na magpatupad ng 10-day quarantine sa kanilang mga darating na empleyadong magmumula sa mga bansang apektado na ng novel coronavirus (nCoV).
Ayon sa pahayag ng PAGCOR nitong Lunes, sakop nang kanilang direktiba ang mga newly hired pati na ang mga nagbabalik-manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Magugunitang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na posibleng magpakita ng sintomas ang isang taong nahawaan ng naturang virus sa loob ng 10 araw hanggang dalawang linggo matapos itong ma-expose sa virus.
Sa ngayon (as ofJanuary 28, 10AM), pumalo na sa 103 ang bilang ng mga nasawi dahil sa nCoV ayon sa pamahalaan ng China, habang nasa 1,300 naman ang napaulat na bagong kaso nito.