Dapat umaksyon na agad ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) at huwag nang hintaying madagdagan ang bilang ng mga nawawalang sabungero.
Ito ang inihayag ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald “Bato” Dela Rosa makaraang kalampagin ang pagcor hinggil sa issue.
Ayon kay Senator Dela Rosa, dapat suspendihin agad ng PAGCOR ang operasyon ng online o E-Sabong dahil payag naman si Pangulong Rodrigo Duterte na itigil muna ang naturang sugal hangga’t hindi nareresolba ang pagkawala ng tatlumpu’t isang sabungero.
Una nang nanawagan ang mga senador na suspendihin ang E-Sabong na kalauna’y sinang-ayunan ni Pangulong Duterte nung kanyang makausap.
Sa pagdinig ng senado noong isang linggo, inamin ni Diane Erica Jogno, Acting Assistant Vice President for E–Sabong Department ng pagcor na kumporme sila sa suspensyon ng naturang sugal pero hihingin pa nila ang pag-apruba ng pangulo. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)