Binalaan ng PAGCOR o Philippine Amusement and Gaming Corporation ang mga online gaming companies na mabibigong magdeklara ng tamang obligasyon sa buwis.
Kasunod ito ng mas mahigpit na regulasyon ng pamahalaan sa online gaming at pagpasok ng malaking bilang ng mga manggagawa mula China.
Ayon kay PAGCOR Vice President Jose Tria Jr., kinakailangan sundin ng mga kumpanyang nasa industriya ng POGO o Philippine Offshore Gaming Operators ang kanilang direktiba na magsumite ng pangalan ng lahat ng kanilang mga empleyado, sahod at visa status ng mga ito.
Sinabi ni Tria, sakaling mabigo ang mga nasabing POGO companies, isasailalim ang mga ito sa mahigpit na pagsisiyasat ng Bureau of Internal Revenue.
Una nang sinabi ng DOLE na umaabot na sa mahigit 138,000 ang mga dayuhang manggagawa sa industriya ng online gaming sa bansa.