Tila nabudol ang Philippine Gaming Corporation o PAGCOR ng kinuha nilang 3rd party auditor para suriin ang kita ng Philipine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa upang matukoy kung tama ang binabayaran nilang buwis.
Ito ang inihayag ni Senate Committee on Ways and Means chairman Sherwin Gatchalian makaraang matuklasan na ang ibinigay na bank certificate ng na 3rd party auditor na Global Com-R.C.I., ay hindi rehistrado sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Iginiit ng Senador Gatchalian na mahalaga ang 3rd party auditor dahil dito kinukuha ang datos kung magkano ang dapat na bayarang buwis ng mga POGO; kung mali ang binibigay nilang datos o mali ang kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue.
Lumitaw anya na kwestyunable ang kredibilidad ng Global Com-R.C.I. dahil wala itong technical capability, walang opisina at walang resibo.
Dismayado rin ang mambabatas matapos aminin ng PAGCOR na hindi nila na-check ang background ng nasabing kumpanya nang pumasok sa P6-B Consultancy Contract noong 2017.
Naghihinala naman ang Senador na nakipag-kuntsabahan sa pogo ang Global Com-R.C.I. at maaaring bawiin na ang pinasok na kontrata ng PAGCOR dahil sa dami ng violations nito. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)