Mananatili pa ring libre ang pagdaan ng mga motorista sa Skyway Stage 3 hanggat hindi pa pormal na naaaprubahan ang toll rates na itatakda ng San Miguel Corporation (SMC) ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).
Matatandaang una nang inanunsyo ng SMC na sisimulan na nitong magkolekta ng toll fee simula sa unang araw ng Pebrero.
Base sa inihaing presyo ng toll ng SMC nasa P110 hanggang P274 ang ibabayad ng mga motoristang daraan sa skyway.
Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpus, tinitingnang mabuti ng ahensya ang takdang presyong inihain ng SMC upang maging katanggap-tanggap at resonable ang ibabayad ng mga motorista.—sa panulat ni Agustina Nolasco