Ikinabahala ng Department of National Defense (DND) ang ulat na dumarami muli ang mga Chinese vessel sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Nito lamang Nobyembre nang mapa-ulat ang pagdagsa ng mga Chinese vessel sa West Philippine Sea matapos ang pagbisita ni US Vice president Kamala Harris sa Pilipinas upang ipakita ang suporta niya sa bansa.
Inihayag ni DND Officer-in-Charge Jose Faustino Jr. na nakita ang ilang Chinese vessels sa Iroquois reef at Sabina shoal.
Ang mga aktibidad anya ng Tsina sa WPS na malinaw na paglabag sa soberanya at hurisdiksyon ng Pilipinas na nagpapahina sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon ay hindi katanggap-tanggap.
Binigyang-diin ng opisyal na malinaw ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na hindi bibitawan ng gobyerno ang kahit katiting na teritoryo ng Pilipinas.
Sa kabila nito, tiniyak ni Faustino na patuloy ang routine maritime at aerial patrols ng Philippine Navy at coast sa pinag-aagawang karagatan.