Tinututukan na ng Department Of Health ang halos lahat ng ospital sa bansa sa gitna ng pagdagsa ng mga COVID-19 patient.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naglalagay na sila ng karagdagang pasilidad tulad ng modular hospital at tents upang mapunan ang kapasidad ng mga health facilities na may mataas na kaso.
Inatasan naman ang mga local government unit na i-mobilize ang level 1 hospitals para sa COVID-19 response dahil karamihan sa kanilang mga pasilidad ay okupado na.
Nagpapatuloy din anya ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa one hospital command center na tumutulong para sa mga pasilidad na maaring pagdalhan ng mga pasyenteng may COVID-19.
Magugunitang ilang ospital na ang nagpahayag na hindi muna tatanggap ng mga COVID patient dahil fully occupied na ang kanilang COVID wards sa gitna ng patuloy na paglobo ng mga kaso.—sa panulat ni Drew Nacino