Inaasahan na ang pagsugod sa Boracay ng mga taga-Metro Manila at mga kalapit na lalawigan pagkatapos nang pinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ) rito sa Linggo, ika-11 ng Abril.
Ayon ito kay Malay acting mayor Flolibar Bautista dahil maliban sa mga sabik bumiyahe at magbakasyon, tiyak aniyang itutuloy ng ilang turista ang kanilang pinarebook na pagbisita sa isla.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Bautista ang mas mahigpit pang pagpapatupad ng health and safety protocols sa Boracay kung saan bawal pa rin ang mass at non-essential gatherings tulad ng contact sports.
Ipinabatid ni Bautista na iniimbestigahan pa ang itinuturing na super spreader party na isinagawa sa isang bar kaya’t biglang sumirit ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa isla.
Sa nakalipas na buwan, naitala ang 97 kumpirkadong kaso ng COVID-19 sa Boracay kumpara sa buwan ng Pebrero na ang kaso ay wala pang 10.