Ikinabahala ng Department of Health (DOH) ang pagdagsa ng mga tao sa Manila Bay matapos na pansamantalang buksan ito sa publiko noong nakaraang sabado at linggo.
Ayon kay Department of Health Spokesperson, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakakabahala ang naging sitwasyon noong weekend kung saan nabigong maipatupad ang physical distancing.
Pinuna rin ni Vergeire ang pagsama sa aktibidad ng mga indibiduwal na kabilang sa tinatawag na “vulnerable group” tulad ng mga senior citizens at may edad 21 pababa.
Binigyang diin ni Vergeire, hindi pa nawawala ang virus kaya mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards.
Magugunitang, dinumog ng mga tao ang bahagi ng Manila Bay na nilagyan ng white sand gamit ang durog na dolomite bilang pakikibahagi ng bansa sa International Coastal Clean-Up Day noong weekend.