Tinawag na mass suicide o massacre ng ilang netizens ang pagdagsa ng mga mamamayan sa Manila Bay White Sand sa Baywalk, Roxas Boulevard sa Maynila gitna na rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ay matapos hindi na maipatupad ang social distancing dahil sa pagdagsa ng mga nais ma “feel” ang mala-Boracay daw na itsura ng bahagi ng Manila Bay.
Bukod dito nakita rin sa mga kumalat na video ang ilang batang isinama pa sa pagsilay sa white sand na paglabag sa quarantine protocol dahil hindi pa uubrang lumabas o gumala ang ang 21 anyos pababa.
Naalarma ang ilang netizen na mabalewala ang pagsusumikap ng department of health at local government unit na mapababa ang kaso ng COVID-19 dahil sa pagdagsa ng mga tao sa manila bay.
Kaugnay nito sinibak ang hepe ng Ermita Police Station na nakakasakop sa manila bay area matapos mabigong maipatupad ang physical distancing sa mga excited na masilayan ang white sand dito.
Sinabi ni PNP Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar na dapat ay nag plano si Lt. Colonel Ariel Caramoan para mahigpit na maipatupad ang security at health safety measures dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga taong nais tumuntong sa pinagandang Manila Bay.