Kinuwestyon ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang natalong Quezon City mayoralty candidate na si Mike Defensor sa pagdalo nito sa mga official function ng Metropolitan Manila Development Authority.
Ito, ayon kay Enrile, ay kahit hindi naman konektado ang dating kongresista sa MMDA.
Nais mabatid ng dating senador kung na-hire ba si Defensor na consultant, adviser o utusan ng ahensya na hindi dapat mangyari dahil sa panuntunan ng one-year ban sa mga tumakbo o natalo sa nakalipas na halalan bago sila pumasok sa anumang posisyon sa gobyerno.
Pinayuhan naman ni JPE ang dating mambabatas na kailangang maging maingat at hindi dapat magpakita ng pagka-arogante sa kapangyarihan sa pag-uugali bilang public person lalo’t kung kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.
Naniniwala si Manong Johnny na bilang legal counsel, mayroon siyang legal at moral duty para protektahan ang pangulo na mapagsamantalahan ang kabaitan nito.