Pinag-iisipan pa ng Pangulong Rodrigo Duterte kung dadalo ito sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Summit na gaganapin sa Peru ngayong buwan ng Nobyembre.
Ayon sa Pangulo, baka hindi niya kayanin dahil sa sobrang layo ng Peru.
Sinabi ng Pangulo na hinikayat siya nina Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay at Peace Adviser Jesus Dureza na dumalo upang makausap ang isang world leader na hindi niya pinangalanan.
Ito na ang huling APEC Summit na dadaluhan ni US President Barack Obama bago ito bumaba sa puwesto sa Enero ng susunod na taon.
Samantala, itinanggi ng Pangulo na si Obama ang tinutukoy na opisyal ng kanyang mga opisyal na dapat niyang makausap sa APEC Summit.
Donald Trump
Samantala, sobra para kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkukumpara sa kanya kay US President-elect Donald Trump.
Ayon sa Pangulo, maliit na molecule lamang siya sa mundo samantalang si Trump ay Pangulo na ngayon ng pinakamakapangyarihang bansa sa planeta.
Sinabi ng Pangulo na kung may pagkakapareho man sila ni Trump ito ay ang kagustuhang makapagsilbi sa kanilang bansa.
Samantala, wala aniya siyang inaasahang malaking pagbabago sa mga itinakda niyang direksyon ng mga polisiya pagdating sa relasyon ng Pilipinas sa ibang mga bansa kahit pa magpalit na ang Pangulo ng Amerika.
By Len Aguirre