Isinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang patuloy na pamamayagpag ng mga menor de edad na sangkot sa iba’t-ibang krimen.
Ayon kay Pangulong Duterte, itinuturing niyang kaibigan si Pangilinan.
Ngunit, aniya, kailangan niyang maging tapat sa bayan, na si Pangilinan ang dahilan kaya’t nakalulusot at paulit-ulit na nakakalibre sa asunto ang mga menor de edad.
Bagaman may ilang lungsod na nagpapatupad ng curfew, hindi naman aniya ito mahigpit kaya’t pakalat-kalat na ang mga kabataan kahit dis-oras ng gabi.
Banat pa ng Pangulo kay Pangilinan, kinopya lamang nito ang Juvenile Justice Welfare Act of 2006 sa New York Juvenile Offenders Law, na nagbabawal sa mga menor na makulong kahit nakagawa ng mabibigat na uri ng krimen gaya ng rape at murder.
Aminado ang Punong Ehekutibo na may utang na loob siya sa senador para matupad ang pangarap noon ni Davao City Mayor Sara Duterte na makita ng personal si Sharon Cuneta pero sadyang hindi niya maiwasang mainis sa batas iniakda ni Pangilinan.