Tiyak na dadami pa ang mga maglulutangang ‘extemist group’ sa sandaling mabigo ang pamahalaan na ipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ito ang babala ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Haj Murad Ebrahim sa ginawang konsultasyon ng BBL kasama ang mga senador sa Camp Darapanan.
Paliwanag ni Murad, umaasa ang nakararaming Moro na BBL ang sagot upang kanilang matamo ang kaunlaran at ganap na kapayapaan sa buong Mindanao kaya’t todo ang suporta nila rito.
Inihalimbawa ni Murad ang pagkakabuo sa Abu Sayaf Group (ASG) noong mabigo ang peace process noong 1997, habang ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) naman noong administrasyong Arroyo at ang Maute Terror Group noong nakalipas na administrasyon.
Una nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng magresulta sa giyera sa Mindanao kung hindi maipapasa ang BBL at hindi mapalitan sa federal ang sistema ng gobyerno.
Aniya, tiyak na magagalit ang mga Moro at magkakaroon ng giyera sa Mindanao kung hindi maipapasa ang BBL.
Iginiit pa ng Pangulo na ang mga sibilyan ang magdurusa kung puputok ang giyera sa Mindanao.