Ikinagalak ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Chairperson Tita de Villa ang pagdami ng mga nagpapahayag ng kanilang kagustuhan na tumakbo sa 2016 Presidential elections.
Ipinaliwanag ni de Villa na maganda ang naturang mga pangyayari, upang magkaroon ng mas maraming pagpipilian ang publiko.
Kadalasan kasi aniyang inihahayag ng mga Pilipino kapag hindi maganda ang resulta ng eleksyon ay dahil wala naman silang mapagpilian sa mga kandidato.
“Mabuti naman para maraming pagpilian ang mga tao na masasabi na ay wala tayong magagawa ‘yan lang ang pagpipilian mo, eh mabuti naman ngayon na merong choices.” Ani de Villa.
Vote buying
Talamak pa din ang pagtitinda at pagbili ng boto sa tuwing mayroong eleksyon.
Ayon kay PPCRV Chairperson Tita de Villa, mabilis na mahikayat ang mga botante sa mga bumibili ng boto, dahil sa tindi ng kahirapan na nararanasan sa bansa.
Pinaalalahanan din ni de Villa ang publiko na para sa ikabubuti ng bayan, kailangang piliin ang kandidato na mayroong kakayanan, karakter at may taglay na katapatan para sa nag-iisang boto ng bawat isa.
“Marami, kasi Filipino values kaya kailangang patatagin natin ito sa ating mga pamilya atsaka sa eskuwelahan, ang kagalingan ng ugali natin ay hindi nadadala sa pera, pero ngayon siguro ang ang underlying reason nito ay dahil sa poverty o kahirapan.” Dagdag ni de Villa.
By Katrina Valle | Ratsada Balita