Ikinababahala ng ilang grupo ang paglobo ng bilang ng mga manggagawa at turistang Chinese sa Pilipinas.
Batay kasi sa datos ng Bureau of Immigration noong 2018, umabot na sa mahigit 1-million ang bilang ng mga turistang Chinese na dumating sa bansa.
Higit itong doble sa 400,000 naitala noong 2015 bago manungkulan bilang presidente si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), may epekto sa mga Pinoy ang pagdami ng bilang ng mga Chinese sa bansa.
Gaya na lamang aniya ng mga maliliit na negosyo ng mga Pinoy kung saan napipilitan ang mga ito na bakantehin ang kanilang inuupahang pwesto dahil mas pinipiling paupahin ang mga Chinese na handang magbayad ng mas mataas na renta.
Dahil dito, nanawagan ang grupo sa gobyerno na tiyaking walang trabahong naaagaw ng mga Chinese national sa mga Pilipinong manggagawa.