Ikinaalarma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tumataas na kaso ng mga aksidente may kaugnayan sa concrete barriers sa EDSA.
Ito, ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ay kaya’t nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno para mapaigting ang pagpapatupad ng mga batas trapiko lalo na sa mga kadalasang dahilan ng aksidente.
Sinabi ni Garcia na nakipagpulong na sila sa Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group, Department of Transportation, Lant Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa mahigpit na pagpapairal ng traffic rules and regulations.
Kabilang sa napagkasunduan sa inter-agency coordination meeting ay pagpapalakas ng anti-drunk driving at anti-distracted driving operations sa Metro Manila; suspindihin, bawiin at kanselahin ang lisensya ng mga driver na maraming nagawang traffic violations; maghain ng kaso laban sa mga lumalabag sa Republic Act 10913 o anti distracted driving act; pagpapatupad ng mas mahigpit na parusa sa mga driver na sangkot sa mga aksidente na nakasira sa mga pag-aari ng gobyerno.
Bukod pa ito sa pagtatayo ng checkpoints sa oras ng curfew, pagsasagawa ng random breath analyzer tests sa mga driver at magkaroon ng mga aktibong ugnayan at pag-uusap.
Sa pinakahuling tala ng MMDA, nasa 618 ang aksidente sa EDSA ngayong taon kung saan mahigit 500 ay nakasira sa government property at mahigit 100 naman ang bumangga sa concrete barriers.