Minaliit ng Department of Tourism o DOT ang pagpapalabas na rin ng Australia at Canada ng travel warning para sa mga kababayan nilang bibiyahe ng Mindanao.
Ayon kay Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, normal lamang naman para sa isang bansa ang paalalahanan ang kanilang mga kababayan.
Gayunman, kung ibabatay aniya sa datos sa unang limang buwan ng 2017, napalaki ng iniangat ng turismo sa bansa maging sa mga buwan na umiiral na ang Martial Law sa Mindanao.
Iminungkahi ni Alegre na gawin sa Mindanao ang mga pulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang ipakita kung gaano kaligtas ang lugar.
Una nang nagpalabas ng kahalintulad na travel warning ang Amerika at ang United Kingdom
“Tuluy-tuloy ang promotion ng ibang mga lugar, in fact malapit na ang Kadayawan Festival sa Davao, wala naman tayong namomonitor na mga cancellations ng mga festivals, mga meetings.” Ani Alegre
SEA Games
Samantala, nasa kamay na ng Pangulong Rodrigo Duterte kung itutuloy ang pagho-host ng Pilipinas sa SEA Games o Southeast Asian Games sa 2019.
Aminado si Alegre na isang malaking tourism event ang SEA Games dahil libo-libong turista ang karaniwang nanunuod ng SEA Games.
Gayunman, ang tanging magagawa aniya ng DOT ay umantabay sa magiging pinal na desisyon ng Pangulong Duterte.
Una rito, sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission, sinabi ng Pangulo na mas nais niyang gamitin sa rehabilitasyon ng Mindanao ang pondong gagamitin sa pagho-host ng SEA Games.
“Ang laki ng delegations expected eh, it will become a tourism event, habang nasa Pilipinas ang mga iyan ay may opportunity na makapunta sa mga tourist destinations, kami ay naka-standby kung ano ang magiging desisyon ni Presidente diyan.” Pahayag ni Alegre