Ibinabala ngayon ng ekonomistang si Albay Representative Joey Salceda ang posibilidad na mas dumami pa ang bilang ng mga Pilipinong naghihirap dahil sa inflation o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon kay Salceda, ang inflation ay dulot ng trade war sa pagitan ng US, Iran at China, paghina ng halaga ng piso kontra dolyar, pagtaas pa ng presyo ng mga bilihin at ang ipinatupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Sinabi ni Salceda na dahil sa TRAIN ay tumaas ng dalawang piso at singkwenta sentimos (P2.50) ang presyo ng langis.
Upang ibsan ang epekto ng inflation, naniniwala si Salceda na kailangang maibaba ang taripa sa mga produktong pagkain at paramihin ang suplay nito upang maabot ang target na maibaba sa 4 percent ang inflation sa pagtatapos ng taong 2018.
—-