Isang dating barangay chairman at kandidato sa May barangay elections at tatlong iba pa ang patay matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin sa bayan ng Ungkaya Pukan, Basilan.
Kinilala ang mga biktima na si Usan Asani, 45-anyos, dating barangay chairman ng Camamburingan mga kaanak na sina Andatun Asani, 47-anyos; Jannalun Matindo, 60-anyos at Nadzmi Matindo, 19-anyos.
Ayon kay Brigadier General Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Group Sulu, tinarget ng mga salarin ang bahay ni Usan na isa sa mga naghain ng certificates of candidacy (COC) para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ilang oras matapos ang insidente, inaresto ang kasalukuyang barangay chairman ng Camamburingan na si Hernie Asao dahil sa pagbibitbit ng M-16 rifle na paglabag sa COMELEC gun ban habang inaalam na kung may kinalaman si Asao sa pagpatay kay Usan at sa pamilya nito.
Samantala, isa ring barangay chairman at pangulo ng Association of Barangay Captains sa Monkayo, Compostela Valley na kinilalang si Danilo Daanton ang patay matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin.
Paghihiganti ang tinitingnang motibo kay Daanton na kasalukuyang chairman ng barangay banlag na muling tatakbo sa May 14 elections nang walang kalaban.
—-