Umarangkada na ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng Ibagiw Festival 2022 sa Baguio City.
Ito na ang ika-5 taong pagdiriwang ng Ibagiw Festival sa Baguio City matapos mapabilang sa UNESCO list ng World Creative Cities ang syudad.
Kahapon, November 6 ay napuno ang session road ng iba’t ibang expression ng sining at kulturang Cordillera sa pamamagitan ng Creative Sundays.
Sari-saring mga booth at stall ang nasaksihan kung saan ipinapakita ang mga gawang Cordillera gaya ng mga hinabing produkto, metal craft, wood craft at visual arts.
Hindi rin nawala ang mga putahe at pagkaing gawa sa rehiyon bukod pa sa pagkakaruon ng mga ethnic performances ng mga local artist sa Ibagiw stage na itinayo sa Session Road.
Ang mga art exhibit naman ay nasa Calderon Street, habang mayroon ding Ibagiw Strip sa Assumption Road.
Itinakda naman sa Sabado, November 12 ang pormal na pagbubukas ng seremonya kaugnay sa Ibagiw 2022 na may temang “Locally Creative, Globally Competitive.”
Samantala, ang Creative Sundays ang magaganap sa lahat ng araw ng Linggo ng buong buwan ng Nobyembre kung saan inaasahang madaragdagan pa ang grupo ng artists, craftsmen at artisans na makikilahok sa Ibagiw Festival para maipagmalaki ang kanilang mga gawa.