Maaantala ang pagbabalik sa bansa ng barko ng Philippine Navy na BRP Davao Del Sur.
Ito ay dahil kinailangang bumalik ng BRP Davao Del Sur sa Cochin India bilang pag-iwas sa super cyclone na kasalukuyang nananalasa sa naturang bansa.
Ayon kay Naval Public Affairs Office Acting Director Lt. Commander Maria Cristina Roxas, nakatakda sanang dumating ng Pilipinas ang BRP Davao Del Sur bukas, Mayo 23 matapos itong magsimulang maglayag noong Mayo 9.
Gayunman dahil sa malakas na bagyo sa bahagi ng Arabic Bay, kinailangan munang bumalik sa India ng barko ng Philippine Navy para sumilong at umiwas dito.
Samantala, patuloy namang kinukumpuni ang tinamong sira ng isa pang barko ng Philippine Navy na BRP Ramon Alcaraz matapos naman itong masunog habang papaalis na ng India.
Magugunitang, idineploy ang dalawang barko ng Philippine Navy sa Oman noong pebrero bilang paghahanda sakaling kailanganin ang pagpapalikas sa mga Filipino na posibleng maapektuhan ng tensyon noon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.