Posibleng maantala ang pag-deliver sa BRP Jose Rizal (FF-150), ang kauna-unahang frigate ng Pilipinas na binili sa South Korea.
Ayon kay Philippine Navy Flag Officer in Command Rear Admiral Giovanni Carlo Bacordo, ito ay bunsod na rin ng kinahaharap na pandemic sa coronavirus disease 2019 (COVID-19 ng buong mundo.
Paliwanag ni Bacordo, kinakailangan pang sumailalim sa 14- day quarantine ng mga miyembro ng Technical Inspection and Acceptance Committee (TIAC) na siyang susuri at magsesertipika sa nabanggit na barko pagdating ng South Korea.
Alinsunod aniya ito sa umiiral na polisiya sa South Korea para sa mga dayuhan at biyaherong papasok sa kanilang bansa.
Maliban pa dito, sinabi ni Bacordo na problema rin kung papaano sasailalim sa pagsasanay ang mga tauhan ng Philippine Navy na siyang magpapagana sa nabanggit na bagong barko ng Pilipinas
Dagdag ni Bacordo, sa kasalukuyan ay halos kumpleto na aniya ang barko at sumailalim na rin sa iba’t ibang trials sa karagatan.