Inaasahan na ang pagdating ng mga medical expert mula sa China ngayong weekend.
Ayon sa Chinese Embassy sa bansa, ang mga parating na eksperto mula sa China ay tutulong sa mga frontliner sa Pilipinas para labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Binubuo ng 12 medical expert ang grupo na inaasahang makapagbibigay ng technical guidance at makapagbahagi ng kanilang karanasan sa pakikipaglaban sa sakit sakanilang bansa.
Magugunitang inakusahan ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin ang Department of Health (DOH) na pinipigilan umano ng mga ito ang pagpasok sa bansa ng mga Chinese medical expert.
Ngunit itinanggi ito ni Health secretary Francisco Duque III at sinabing sa katunayan nga ay hinihintay nila ang pagdating ng tulong na ito mula sa China.