Sasalubungin ng kilos protesta ang pagdating ni US President Donald Trump sa bansa sa Sabado, Nobyembre 11 para sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit and related meetings.
Ayon kina Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate, ACT Teachers Represenatives France Castro, Antonio Tinio at Anakpawis Representative Ariel Casilao, tuloy-tuloy nilang isasagawa ang mga demonstrasyon simula Sabado hanggang Martes.
Lalapit aniya sila sa mga venue kung nasaan ang US President at sa mga daraanan nito.
Ipapakita ng makabayan ang pagtutol nila kay Trump dahil ginagamit lamang umano ng Amerika ang mga bansa sa ASEAN para sa kanilang pansariling interes.
Naniniwala ang mga ito na may agenda si Trump, tulad ng posibilidad na gamitin si Pangulong Duterte para mapasunod ang gobyerno sa Amerika, himukin ang mga ASEAN country laban sa North Korea at iba pa.