Hindi matutuloy ang pagdating sa bansa ng 15,000 doses ng mga Sputnik V vaccines mula Russia.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na hindi matutuloy ang nakatakda sanang pagdating ng mga bakuna mula Russia ngayong Miyerkules ng gabi.
Dahil dito, ani Roque, agad namang gumawa ng hakbang si vaccine czar Carlito Galvez Jr. para gawan ng paraan ang mabilis na pagdating ng mga bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buwan ng Mayo.
Paliwanag ni Roque na ang dahilan ng pagkaunsyami ng pagdating ng kauna-unahang batch ng Sputnik V vaccine ay dahil walang direct flight mula Russia papuntang Pilipinas.
Mababatid na ang naturang bakunang mula Russia ay kinakailangang mailagak sa storage facility na may required temperature na -20°C. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)