Suportado ni Sen. Risa Hontiveros ang panukalang ideklara bilang social emergency ang tumataas na bilang ng teen pregnancy sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, Chairman ng Senate Committee on Women, Children and Family Relations, maituturing na health emergency at social injustice ang nakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga batang ina sa bansa.
Ani Hontiveros, sa katunayan ay 10 taon nang patuloy na umaakyat ang mga kaso ng mga batang nabubuntis.
Ibig sabihin aniya nito, 10 taon na rin napapabayaan ang kababaihan at kabataan maging ang kanilang kinabukasan.
Sampung taon din umano ang edad ng ilan sa mga batang ina na nalalagay sa bingit ng kamatayan dahil sa maagang pagbubuntis na hindi kinakaya ng kanilang katawan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Hontiveros na agad niyang itatakda ang pagdinig hinggil sa usaping ito alinsunod sa isinumiteng resolusyon nina Sen. Nancy Binay, Sonny Angara at Leila De Lima.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)