Naging maingay ang isinagawang ‘pasasalamat motorcade ng Team Pagbabago nitong weekend na sinamahan ng humigit-kumulang sa isang libong tagasuporta.
Matapos ang motorcade, nakaaantig ang kaliwa’t kanang pahayag ng maraming mga Manileños.
Sinasabing marami sa mga botante ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa naging resulta ng eleksiyon at naniniwala silang si Atty. Alex Lopez ang talagang nanalo bilang alkalde ng Maynila.
Unit-unting dumarami ang nananawagan mula sa iba’t ibang sektor na ipaglaban ang pagkapanalo ni Lopez. Naniniwala sila na dinaya sila dahil marami umanong nilabag na batas ang kabilang kampo noong nakaraang halalan.
Ayon sa isang eksperto, “statistically improbable” daw ang resulta ng halalan. Marami ring barangay ang nagtataka kung paano nangyari ang bilangan, kung saan umasa sila na mananalo si Lopez dahil halos silang lahat bumoto pero lima lang daw ang lumabas sa election returns. At may mga iniulat ding insidente raw ng bilihan ng boto.
Ayon sa mga saksi, nagkaroon daw ng bigayan at nakunan pa ito ng larawan at video.
Hindi maitatanggi na kaliwa’t kanan ang mga isyung hinaharap nina Vice Mayor Honey Lacuna at Mayor Isko Moreno bago mag-halalan kung saan nariyan ang umano’y iligal na pagbebenta ng Divisoria Public Market, overpricing sa mga food packs, pagkakaantala ng seniors amelioration, at iba pa.
Hindi rin daw malayong mangyari na gagawin nila ang lahat para makatakas sa responsibilidad at maprotektahan ang kanilang mga sariling interes.
Sinabi pa ng mga saksi na hindi nila kayang manahimik na lang at hayaang manaig ang kasakiman ng mga kasalukuyang administrasyon ng lungsod.
Bukod dito, naging maugong na ngayon ang panawagan at kahilingang ng mga Manileños na magkaroon ng panibagong eleksiyon upang ipakita sa buong Pilipinas na ang tunay na nanalong alkalde ng Maynila ay walang iba kung hindi si Lopez.
Naniniwala rin sila na may naganap na ‘failure of election’ sa Maynila dahil umano sa malawakang dayaan.
Nitong Martes, nanawagan ang lahat ng partido kay Lopez na maghain ng reklamo sa Commission on Elections (Comelec) dahil sa umano’y talamak na dayaang naganap noong nakaraang lokal na halalan.
Hanggang ngayon, hinihintay ng taumbayan ang susunod na hakbang ni Lopez at umaasa silang agaran ding gagawa ng kaukulang aksyon ang poll body ukol sa nasabing isyu.