Pinabulaanan ng Malacañang ang alegasyong maaaring magresulta sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law ang serye ng pagpaslang sa mga local officials ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi na bago at matagal nang ibinabato ng mga kritiko ni Pangulong Duterte ang nasabing usapin.
Iginiit ni Roque, kahit magtuloy-tuloy pa ang kaso ng pamamaslang sa mga LGU officials, hindi ito maaaring maging batayan ng Pangulo para magdeklara ng martial law sa buong bansa.
Binigyang diin ng kalihim, dalawang dahilan lamang ang isinasaad ng Saligang Batas na maaaring gamitin sa martial law kabilang ang pananakop o paglusob ng mga dayuhan at rebelyon na katulad ng nangyari sa Marawi City.
Dagdag pa ni Roque, maging ang state of national emergency ay hindi maaaring gamitin ng Pangulo lalo’t hindi pa nito tinatanggal ang naunang deklarasyon noong September 2016.
Una rito, nagpahayag ng pangamba si dating Solicitor General Florin Hilbay na posibleng bigyang katwiran ni Pangulong Duterte ang pagsasailalim sa buong bansa ng martial law kasunod ng serye ng mga pagpatay sa LGU officials.
—-