May limitasyon ang pagdedeklara ng batas militar.
Ito ang naging tugon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na pagpapalawig sa ipinatutupad na martial law sa Mindanao hanggang limang taon.
Ayon kay Lorenzana, isang extra ordinaryong kapangyarihan ito ng Pangulo na dapat lamang gamitin kung may banta sa seguridad ng bansa.
Giit pa ng kalihim, itinakda sa konstitusyon ang mga limitasyon sa pagdedeklara ng batas militar para maiwasan ang pag-abuso rito na posibleng makaapekto sa kabuuang lagay ng bansa at ng mga tao.
Gayunman, nilinaw ni Lorenzana na iginagalang niya ang posisyon ni Alvarez at susunod lamang sila sa magiging direksyon ng gobyerno.
2 senador tutol kay Alvarez
Tutol ang dalawang senador sa panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na palawigin nang hanggang limang taon ang martial law sa Mindanao.
Giit ni Senator Panfilo Lacson, ano ang naging batayan ni Alvarez sa kanyang panukala gayung ang AFP o Armed Forces of the Philippines ang nagsabing hindi kailangan ang ganoon katagal na implementasyon ng batas militar.
Aniya, ang ibibigay na full briefing ng AFP at mga security officials ng Malakanyang ang tanging makaka-impluwensya sa kanyang magiging desisyon sa nasabing usapin.
Para naman kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, hindi na kakailanganin ang limang taong extension sa martial law dahil kayang tapusin sa loob ng isang taon ang problema sa rebelyon sa Mindanao.
Krista De Dios | Story from Jonathan Andal / Cely Bueno